Selasa, 23 November 2010

Iza, isinasabak sa Queen of the World sa Germany

Sa husay na aktres ni Iza Calzado, sa ganda ng katawan niya ngayon, na araw-araw napapanood sa teleseryeng “Beauty Queen” sa GMA 7, marami ang naniniwalang hindi na nito kailangang sumabak pa sa isang local beauty pageant, kundi puwede na itong makipagkumpetensya ng diretso sa isang beauty pageant abroad.

Nalaman namin sa ama ni Iza na si direk Lito Calzado na may kumukuha sa anak niya para makipag-compete sa isang malaking beauty pageant abroad. Kung hindi kami nagkakamali ng dinig, ang titulo ng pageant ay “Queen of the World” na gagawin sa Germany ngayong December at lalahukan ng may 86 countries worldwide.

May isang local coordinator raw ang kumakausap kay direk Lito para isali si Iza sa nasabing beauty pageant. Maraming beses na raw siyang tinawagan at tini-text para lang kumbinsihin si Iza na sumali sa naturang pageant.

Naniniwala kasi ang coordinator na puwedeng maiuwi ni Iza ang title dahil na rin sa galing nitong magdala ng kanyang sarili sa kanyang serye. Isa pa, matalino at charming ang itsura ni Iza na papasa sa standard ng mga hurado sa naturang pageant.

Maliban dito, napakaganda raw ng mukha ni Iza kaya pasok na pasok ito sa pageant.

Hindi makapagdesisyon si direk Lito kaya naman in-advice niya sa coordinator na kausapin ang GMA 7, partikular na si Ms. Wilma Galvante.

Hindi puwedeng magdesisyon si Lito ng sarili lang niya dahil GMA 7 ang nagpapatakbo ng career ng kanyang anak. Isa pa, mukhang malabong makaalis ng bansa si Iza sa panahon ngayon dahil sunud-sunod ang taping nito para sa nasabing top-rated show.

Kung si direk Lito ang magdedesisyon, puwede niyang payagan si Iza dahil alam niya ang kakayahan ng anak. ‘Yun nga lang siyempre, career naman ng anak niya ang nakasalalay.

Isa pa, hindi pa nakakausap ni Lito si Iza tungkol sa bagay na ito at nagdadalawang-isip rin siya kung papayag na sumali ang anak sa mga beaty pageant abroad.

Hindi man matuloy si Iza sa pagsali sa Queen of the World, proud naman si direk Lito sa anak dahil may mga naniniwala sa kakayahan, katalinuhan at kapasidad ng anak niya na puwede itong maging tunay na beauty queen.

Share